Sunday, October 20, 2013

Palakad-lakad

Kay tagal nang palakad-lakad
Wala pa rin sa pupuntahan
Tila ba'y pangakong huwad
Sinasabing tuwid na daan

Bugbog na katawan at paa
Walang pangalan, walang mukha
Gumagapang lamang papunta
Sa bibig ng mga buwaya

Kay tagal nang palakad-lakad
'Di rin naabot ang pangarap
Kahirapan ang siyang tumambad
Hustisya't di pa rin nahanap

Ang bibig kanilang tinakpan
Ang mga mata'y piniringan
Mga kamay ay ginapusan
Hinataw at pinahirapan

Kay tagal nang palakad-lakad 
Pinaasa sa pagbabago
Lamang pa rin ang awtoridad
Talo ang masang Pilipino

Nilinlang, ipinagkanulo
Kinulong, tinago, kinitil
Binenta, nilason, niloko
Kalayaa't boses siniil

Kay tagal nang palakad-lakad
Sa kanilang pagkagahaman
Tayo ang nagbabayad
Sila nama'y nagpapayaman

Kay tagal nang palakad-lakad 
Dinaya at pinagnakawan
Inabuso't iniwang hubad
Ngunit patuloy sa paglaban

0 comments:

Post a Comment